Sen. Chiz Escudero’s
speech
November
24, 2009
Magandang
umaga sa inyong lahat, magsi-upo po tayo. Maikli lamang ito.
Simula
noong umalis ako sa NPC noong ika-28 ng Oktubre, ginawa ko yun upang
Malaya akong Makita at matanaw ang dapat kong gawin kaugnay ng 2010
elections. Ginawa ko ‘yun upang hindi nakapiring at hindi nakatali ang
aking mga mata’t mga kamay para malaman kung ano ang dapat kong magawa
sa ating sambayanan sa darating na panahon. Mula sa aking Malaya na
pagkakatayo, tunay namang mas nakita ko ang dapat nating gawin bilang
isang bansa at bilang isang lahi. Kabilang na ang pag-amin at pag-ako
ng aniuman kakayanan o kawalan nito kaugnay sa mga mithiin, pangarap
at layunin natin para sa ating bansa.
Nitong
mga nagdaang araw, nagnilay-nilay ako, kumausap sa maraming malalapit
na kaibigan at gayundin pamilya, kinausap ang ilan sa ating mga
kababayan at pinagpasyahan ang aking papel na gagampanan sa darating
na halalan.
Akala ko magiging madaling desisyon pero hindi pala. Akala ko
napakadali ang magiging pasya pero hindi pala. I’ve always said that
for me, it’s the presidency but not at all cost. Not at the cost of
losing my soul, not at the cost of losing myself, not at the cost by
being eaten up by the system and the process and certainly not at the
cost of not being able to do the things that I was and set out to do.
Para sa akin panguluhan lamang ang aking nasa isip subalit hindi ko
ito hahanapin at kukunin kung sa proseso ng pagkuha nito mawawala po
ang aking sarili’t kaluluwa. Hindi ko rin kayang gawin ang dapat at
gusto kong gawin at kung makakain lamang ako ng sistema. Para sa akin,
hamon itong dapat tingnan ng lahat na ng unang nagdeklara, sila ba’y
nakain na ng sistema o hindi pa, sa daan tungo sa panguluhan. Sila ba
ay kaya pa ring gawin ang lahat ng pinangako sa atin na magaganda at
matatamis habang nangangampanya. Hindi ko makokonsensyang sabihin ‘yan
kung hindi ko rin lang kayang gawin kung ako ay pagtitiwalaan niyo.
Dahil po sa lahat ng nabanggit ko, akala ko’y madali pero hindi.
Napagpasyahan ko, na hindi tumakbo bilang pangulo sa darating na
halalan. Napagpasyahan ko na hindi man bilang kandidato, ako’y may
papel na pwedeng gampanan bilang Pilipino at ordinaryong botante sa
panahong ito. Napagpasyahan ko na hindi lang ngayon ang panahon para
matupad ang pinanghahawakan kong pangarap at layunin kong panguluhan
nang hindi nakatali. Patuloy kang panghahawakan ang pangarap at
pangakong iyan. Hindi man ngayon kundi sa darating na panahon.
Nais kong
gamitin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa lahat nang mga
naniwala at nagtiwala; sa lahat ng gumalaw at kumilos maski na walang
salapi o pera; sa lahat ng nagsalita at naniwala, sumigaw at nakiisa
sa aking pangarap ng walang katumbas at kapalit. Kaninang umaga, bago
ako umalis binisita ko yung dalawang anak ko na kambal at yun lang ang
nagbigay sa akin ng lakas humarap sa inyo ngayon dahil maraming
nagsasabing kung hindi ka rin lang naman tatakbo Chiz bakit kapa
magpepress-con?
Mag press release ka na lamang. Buong tapang at buo ang loob kong nais
sabihin ito sa harap ninyo. Dahil hindi ko kinakahiya anumang salitang
binigkas ko ngayon.
Kasabay ng inyong
kalungkutan, marahil ganun din ang aking kalungkutan. Pero kasabay ng
kalungkutang yan, ang pagnanais at pangarap at pangakong nais kong
hawakan pa rin natin matapos nating lumisan ng silid na ito. Ang
pangako ng isang bagong Pilipinas; ang pangako ng isang bagong
pagbabago; ang pangako ng isang Pilipinas na hindi tulad ngayon, na
kung hindi man natin makakamtan ngayon at sa pamamagitan ko san a
magampanan ito nang mga nagpapakilala sa ating reresolba sa lahat ng
ating problema. Kaisa ninyo ako at kaisa ako nang sinumang
pagtitiwalaan ng sambayanan sa mga darating na araw. At bilang botante,
bilang Pilipino, bilang senador patuloy akong mananalig sa kakayanan
ng Pilipino at ng ating bansa na malampasan ang mga hamon at pagsubok
na ito. Salamat po sa inyong pagtitiwala nitong mga nagdaang araw. At
salamat din po sa inyong pagtitiwala sa akin sa aming grupo at sa
aming lahat, sa adhikaing aming pinanghawakan. Makakaasa kayo na
patuloy namin itong gagawin at gagampanan sa mga susunod pong araw.
Sa
muli po, taos pusong pagbati, salamat sa pagbisita at isa pong maganda
at pinagpalang umaga.